Sunday, 30 October 2011

Kamusta na ba ang Maynila?




              Maynila ang kapital ng bansang Pilipinas. Sa bansang ito tayo’y naninirahan. Kapag narinig natin ang salitang “kapital”, ang unang pumapasok sa ating isipan ay pinakamaganda, pinakamalinis at pinakamaunlad na syudad. Oo, marahil ito ay pinakamaunlad. Ngunit masasabi mo bang pinakamalinis o pinakamaganda ang Maynila ngayon?

          Ang Maynila noon ay malinis, presko sa pakiramdam, magandang pasyalan dahil sa mga likas na katangian nito at higit sa lahat ay mapapamahal ka rito. Ngunit ang panahon ay sadyang mabilis sa paglipas kaya ang mga katangiang iyon ng Maynila ay parang napag-iwanan na ng panahon. Huwag natin sisihin ang panahon. Dapat nating sisihin ay ang mga sarili natin mismo. Ang panahon ay hindi humihinto sa pagkaripas ng kanyang takbo samantalang tayong mga nilalang ang natutulog at walang ginagawa upang mapaganda pa lalo ang Maynila kaya ngayon tayo’y naaapektuhan sa mga nangyayari sa ating paligid. Kung tititgnan natin ang Maynila ngayon, ito’y marumi, maalikabok at mapolusyon sa hangin at sa ingay. Sadyang nagpapakita lamang ang mga katangiang yaon ng ating mga kapabayaan sa ating kalikasan. Kung babaybayin mo ang kahabaan ng Roxas Boulevard, hindi ka pa man din nakakarating sa pupuntahan mo ay marumi na ang mukha mo, mabaho ka pa at hindi ka pa presko sa paningin ng iba. Dati-rati’y pinupuntahan ng mga banyaga ang Maynila, samantalang mga probinsya na ang kanilang pakay. At isa pang pinakaproblema ng Maynila ay ang mga tao. Tayo ang problema ng sarili nating bayan. Dahil sa ating kapabayaan, hindi kanais-nais ang ang halimuyak ng ating bayan, wala itong sigla at lalo nang naghihirap ito sa sakit na hindi nagagamot ng mga taong nakatira dito.

              Hindi pa huli ang lahat. Tayong mga tao na naninirahan sa Maynila at sa buong Pilipinas, mayroon pang pag-asa. Habang maaga pa, umaksyon na. Ang pinakasimpleng gamot sa sakit ng ating bayan ay pagkakaisa, paggalang, pag-alaga at higit sa lahat ay pagmamahalan. Nakararanas man tayo ng kasakiman ng kalikasan ngayon, kung mayroon naman tayong mga positibong katangian tiyak na malulutas at malulutas natin ang paghihirap na nararanas nating ngayon. Kaya umaksyon na agad dahil naniniwala ako sa kasabihang; “nasa huli ang pagsisisi”.